Saturday, August 21, 2010

Dear Big Luv

Ang saya ko ngayon! Sa pang-ilang pagkakataon, hindi mo na naman ako binigo. Alam kong nung huling tayo nagkasama, hindi masyadong naging maganda ang kapalaran natin sa isa't isa. Nasaktan ka ng sobra dahil sa akin at ako naman ay nagkaroon ng trauma. Saksi ka sa mahabang panahon na ako'y nag-alinlangan sa kakayahan kong mahawakan kang muli.

Pero iba ang araw na ito. Kasama ang ilan sa mga pinakamatatalik kong kaibigan, pinatunayan mo ang tibay ng ating samahan. Kahit pa may mga pagkakataon na nakikisawsaw ko sa halakhakan namin at tipo'y nagsasayaw ka din sa kagalakan. Me mga oras din na para bang may sarili kang mundo. Umaatras o umaabante ka na lang ng basta-basta. Ayun tuloy, napapakamot ng ulo, napapakunot ng noo o napapadasal ang mga taong nakapaligid sa atin. Ang pinakamatindi, ilang beses mong ipinakita na ikaw ay mapanggigil. Makipagpaligsahan ka ba naman sa isang higante? Kahit maliit ka, malaki ang paniniwala ko na kaya mong magtagumpay. Pero gusto ko pa ding isaalang-alang ang katiwasayan at kaligtasan nating lahat. Huwag kang mag-alala! Kahit murahin pa tayo ng iba, kakampi mo ako. Ipaglalaban kita.

Naaalala mo ba yung araw na opisyal na kinukuha ka na sa akin ni Kuya? Walang kagatol-gatol kung sinabi - "Akin ka ng buong-buo." Maaaring mas madalas mo siyang kasama at ako'y hanggang haplos lang sa iyo. Pero alam kong alam mo na kahit mahal ka din naman niya, mas higit na mahal kita. Hindi pa man dumating ang unang araw na nagkrus ang landas natin, ipinangako ko na sa sarili kong "tayo" ang tunay na magtatagal. Musmos pa ako'y ikaw na pangarap ko. Kaya paninindigan kita anuman ang mangyari.

Magmula sa araw na ito, gusto kong linisin at ibalik sa dating linaw ang matagal ng nakaukit sa puso ko....ikaw lang, wala ng iba. Madami man ang malikha na maaaring mas higit pa sa iyo, hinding-hindi ako matutukso. Magkasama nating lilibutin ang buong Luzon. Kung maaari nga lang isama na din ang Visayas, ang Mindanao at ang buong mundo. Inaamin kong marami akong pagkukulang at madami pa akong dapat matutunan. Pero handa ako sa anumang pagsubok, basta kasama ka lamang.

Ang sabi nga sa kanta....Ako'y sa iyo at ika'y akin lamang......My Big Luv!

Nagmamahal,
Ang Iyong Drayber

No comments:

Post a Comment

Wanna Earn More?!